Written by Rev. Fr. Ariel F. Robles
St. Augustine Parish
Baliuag, Bulacan Philippines
Sulat ni Nanay at Tatay sa Atin
Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako
at pagpasensiyahan.
Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan
o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan,
huwag mo sana akong kagagalitan.
Maramdamin ang isang matanda.
Nagse-self-pity ako sa tuwing sinisigawan mo ako.
Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan
ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan
ng 'binge!' paki-ulit nalang ang
sinabi mo o pakisulat nalang.
Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako.
Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong
tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo
noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.
Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay
nagiging makulit at paulit-ulit na parang sirang plaka.
Basta pakinggan mo nalang ako.
Huwag mo sana akong pagtatawanan o
pagsasawaang pakinggan.
Natatandaan mo anak noong bata ka pa?
kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo 'yong sasabihin,
maghapon kang mangungulit hangga't
hindi mo nakukuha ang gusto mo.
Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.
Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy.
Amoy matanda, amoy lupa.
Huwag mo sana akong piliting maligo.
Mahina na ang katawan ko.
Madaling magkasakit kapag nalamigan,
huwag mo sana akong pandirihan.
Natatandaan mo noong bata ka pa?
pinatyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama
kapag ayaw mong maligo.
Pagpasensyahan mo sana kung madalas,
ako'y masungit, dala na marahil ito ng katandaan.
Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.
Kapag may konti kang panahon,
magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang.
Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa.
Walang kausap.
Alam kong busy ka sa trabaho,
subalit nais kong malaman mo na sabik
na sabik na akong makakwentuhan ka,
kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.
Natatandaan mo anak, noong bata ka pa?
Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin
ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.
At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit
at maratay sa banig ng karamdaman,
huwag mo sana akong pagsawaang alagaan.
Pagpasensyahan mo na sana kung ako
man ay maihi o madumi sa higaan,
pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga
huling sandali ng aking buhay.
Tutal hindi na naman ako magtatagal.
Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw,
hawakan mo sana ang aking kamay
at bigyan mo ako ng lakas ng loob
na harapin ang kamatayan.
At huwag kang mag-alala,
kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha,
ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana ...
dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...